Friday, July 1, 2011

T.N.T.

Tunay na Tao
Tigang na Tigang
Tago nang Tago
Talks 'n Tours

Sa maraming kahulugan ng TNT, maraming maaaring maging bagay sa akin. Ngunit, sa pagsusulat nito, kailangan ko munang magTNT, tago nang tago.

Sino'ng tinataguan ko? Marami. Marami sa mga kaibigan kong hindi makauunawa sa kalagayan ko. Mga kaibigan kong unti-unti nang lumalayo't pinalalayas ako sa pagsasamang nabubuo nila. Tulad ng nag-iisang piraso ng hotdog na natitira sa tuwing almusal sa umaga. Tulad ng isang guro na walang gustong kumuha kapag enlistment sa Ateneo. Lilimutin na lamang, hangga't sa wala nang ibang magagawa kundi kunin na.

Ang hindi matiis na gutom ay magdudulot sa paglamon ng nag-iisang hotdog natitira sa pinggan. Ang malas na random number sa Ateneo, ay magbubunga ng pangit na iskedyul at mga propesor, mga propesor na dapat lang ay iwasan. Ang pagbuo ng samahan ng mga taong minamahal mo, at hindi ka nagsasama, saan bubunga?

Silang lahat, ang mga kaibigan kong nag-ampon sa akin sa kanilang grupo, sila ang minahal ko nang lubos, lahat nama'y ginawa/handa kong gawin para sa kanila. Ngunit, hanggang sa ngayo'y minsan, hindi ko pa rin lubos na nararamdaman na kaya nilang tanggapin ang kalokohang gagawin ko sa buhay.

Magmula sa pagpasok nila sa buhay ko, parang wala man lang magandang nangyari hanggang sa makilala ko ang pamilyang kinabubuhayan ko sa ngayon, ang pamilyang TNT. Mahigit isang daang tao, sa pagkakilala ko sa kanila matapos ang tatlong araw ng pag-eensayo at tatlo pang araw ng Ateneo OrSem, natanggap na namin lahat ang isa't isa. Bakit ganun? Totoo nga ba itong pamilyang natagpuan ko?

Totoo nga, kasi nangyari sa akin. Sa uulitin kong pagsalaysay nitong k'wento ng buhay kong ito, mahalaga parati ang mga kaibigan ko, lalo na't ang nalalayo sa akin, ngunit higit sa lahat na mahalaga ang pamilyang nagtatanggap sa akin, sa kasamaan, sa kabutihan, sa kagaguhan, sa kahit ano. Sino nga ba ang tatanggap sa akin? Sino pa ba? Ang mga Tunay Na Taong bahagi ng aking pamilya. Alam kong ang drama ng kinalalabasan, ngunit hindi na nadadaan sa iyak ang nararamdaman ko, kasi kung hindi kong kayang aminin na mayroong mastatanggap sa akin kaysa sa iba, baka hindi ko naman matanggap ang sarili ko. Kailangan ko nang tanggapin na masmamahalin ako ng iba kaysa sa iba, at ang karapat-dapat na makakukuha ng pagmamahal ko ay ang mga taong masmagmamahal sa akin.

No comments:

Post a Comment